^
Mga residente nagbarikada vs OceanaGold mines sa Nueva Vizcaya
Matatandaang pinayagan ng Mines and Geosciences Bureau ang operasyon ng kumpanya kahit na expired na ang kontrata nito matapos daw makapag-apply ng renewal bago pa mapaso ang kanilang FTAA noong ika-20 ng Hunyo.
Released/Kalikasan People’s Network for the Environment

Mga residente nagbarikada vs OceanaGold mines sa Nueva Vizcaya

(Philstar.com) - July 1, 2019 - 7:31pm

MANILA, Philippines — Binarikadahan ng mga residente at kawani ng Kasibu, Nueva Vizcaya ang daan patungo sa minahan ng Didipio bilang protesta sa patuloy na pagmimina ng OceanaGold sa kabila ng napaso nitong Financial or Technical Assistance Agreement.

Matatandaang pinayagan ng Mines and Geosciences Bureau ang operasyon ng kumpanya kahit na expired na ang kontrata nito matapos daw makapag-apply ng renewal bago pa mapaso ang kanilang FTAA noong ika-20 ng Hunyo.

Banat naman ng mga residente, labis nang nakasasalanta ang pagmimina ng kumpanya sa kanilang barangay.

“We want OceanaGold to stop operations regardless of whether its FTAA gets renewed or not. We Novo Vizcayanons have had enough of destructive mining in our lands,” ani konsehal Celia Bahag, isang Ifugao na namumuno sa environment and agriculture committee ng Barangay Didipio.  

(Gusto naming matigil na ang OceanaGold sa pagmimina kahit pa may FTAA ito o wala. Nasaid na kaming mga Novo Vizcayanons sa nakasisirang pagmimina nito sa aming lupain.)

Ang FTAA ay isang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at kontraktor para sa malawakang eksplorasyon at pakikinabang sa ginto, tanso, nikel at iba pang mineral ng isang lugar. Epektibo ng 25 taon ang nasabing kasunduan. 

Kamakailan lamang, naghain ang lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya ng restraining order upang harangin ang operasyon sa 12,864 hektaryang minimina ng OceanaGold na may napasong dokumento.

Ayon sa ulat ng The STAR, humiling ang OceanaGold ng isang liham upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon noong ika-13 ng Hunyo.

“The application for renewal was already endorsed by the DENR secretary to the Office of the President,” ani Moncano.

(Ang aplikasyon para sa renewal ay naendorso na ng kalihim ng DENR sa Opisina ng Presidente.)

Si Sec. Roy Cimatu ang kasalukuyang kalihim ng Department of Energy and Natural Resources. 

Sabi ni Moncano, may probisyon sa Administrative Code na nagsasabing hindi maaaring mag-expire ang naturang lisensya hanggang pormal itong matukoy ng ahensya.

Wika naman ni Julie Simongo, chairwoman ng Samahang Pang Karapatan ng Katutubong Manggagawa at Magsasaka Inc., kahit na mapirmahan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang renewal ng FTAA ay hindi mapipigilan ang mga taong harangin ito, bagay na sumisira raw sa kanilang kalikasan.

Pagpapasara dati nang ikinampanya

Noong 2013, binantaan rin ng pagpapasara ang Oceanagold matapos mapag-alamang nabigo ito sa pagbayad ng lokal na buwis, pagkuha at pag-renew ng business permit at barangay clearance. 

Isang taon bago ang pangyayari, naiulat rin ang diumanong paglabag nito sa karapatang pantao nang aksidenteng namatay ang isang konsehal at barangay tanod sa sagupaan sangkot ang mga guwardiya ng Oceanagold. 

Sang-ayon ang mga militanteng environmentalist mula sa alyansang Kalikasan People’s Network for the Environment sa pag-oorganisa ng mga residente ng Kasibu. 

Sa tana ng operasyon nito, sinabi ng Kalikasan PNE na naturingang sangkot ang OceanaGold sa “environmental and humanitarian crimes.”

"Various studies and investigations on Oceanagold’s impacts have revealed how 80% of Didipio’s residents now have problems accessing clean water," wika ni Leon Dulce, pambansang koordinator ng Kalikasan PNE.

(Marami nang pag-aaral at imbestigasyon sa OceanaGold ang nagsisiwalat kung paanong 80% sa kanilang mga residente ang may problema ngayon sa pagkakaroon ng malinis na tubig.)

Maliban dito, walong beses na rin daw na mas mataas sa safety levels ang polusyon sa ilog para sa "riverine biodiversity."

“We cannot accept how government regulators have been willfully blind to these violations and demand that they close down Ocenagold’s mine immediately,” dagdag ni Dulce.

(Hindi katanggap-tanggap ang pagturing ng mga tagabantay sa gobyerno na nagbubulag-bulagan sa mga paglabag ng OceanaGold at nananawagan kami sa agaran nitong pagsasara.) — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla

MINING NUEVA VIZCAYA OCEANAGOLD
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with