Inciting to sedition vs ‘Bikoy’ uploader
MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong inciting to sedition sa Department of Justice (DOJ) ang gumawa ng website na si Rodel Jayme na nagdadawit kay Pangulong Duterte at sa pamilya nito sa illegal drug trade.
Ayon kay Justice Undersecretary Mark Perete, ang pagsasampa nila ng kaso sa Parañaque Regional Trial Court laban kay Jayme ay bunsod na rin ng nakitang maliwanag na dahilan ng paglabag sa anti-cyber law at posibleng makulong ng hanggang 12 taon.
Sinabi ni Perete na ginawa ni Jayme ang website na metrobalita.com, na isa sa mga unang naglabas ng “Ang Totoong Narcolist” videos kung saan isiniwalat ni “Bikoy” ang pagkakasangkot umano ng First Family sa iligal na droga.
Paliwanag ng DOJ, ang paggawa ni Jayme ng website ay hindi bahagi ng kanyang freedom of speech at expression kundi upang galitin ang publiko at sisihin ang administrasyon.
Naaresto si Jayme ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Abril 30 kung saan nakuha din ang computer at mobile phone nito. Itinanggi naman ni Jayme ang mga akusasyon.
Batay sa resolution, pinaimbestigahan din ng DOJ sa NBI sina “Maru Nguyen”/”Maru Xie, ang sinasabing kausap ni Jayme sa kanyang cellphones.
Lunes naman nang lumutang si Peter Joemel Advincula, ang nagpakilalang “Bikoy” sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines at humingi ng saklolo.
Samantala, wala pa ring kasiguraduhan na mailalaban ni Bikoy ang kanyang inilahad na mga impormasyon kaugnay ng koneksyon umano ng pamilya ni Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Ayon kay IBP Pres. Abdiel Fajardo, dadaan muna sa butas ng karayom si Peter Joemel Advincula bago makakuha ng libreng legal assistance mula sa kanilang hanay.
- Latest