E-cigarettes bawal na sa ilang lugar sa QC
MANILA, Philippines — Hindi na maaaring gumamit ng electronic cigarettes kung saan-saan sa Lungsod ng Quezon City simula ika-20 ng Marso.
Pinirmahan na kasi ni Quezon City Mayor Herbert Baustita ang City Ordinance 2737-2018 o An Ordinance for the Regulation of E-Cigarettes in Public Places, Including Public Conveyances, Advertisement and Promotions of E-Cigarettes, and Providing Penalties Therefor.
Ipagbabawal na ang paggamit ng "vape" sa mga sumusunod na lugar:
- Bahay sambahan
- Ospital at healthcare centers
- Pampublikong sasakyan
- Opisina ng pamahalaan
- Educational facilities para sa mga menor de edad
- Recreational facilities para sa mga menor de edad
Papayagan naman ang paggamit nito sa mga saradong lugar basta't may ipapaskil na karatulang nagsasabing "USE OF E-CIGARETTES IS ALLOWED INSIDE."
Para sa mga pribadong kumpanya, maaaring magtalaga ng mga bukas o saradong lugar para rito.
Para sa mga enclosed spaces, hindi ito maaaring ihanay sa smoking area ng mga gumagamit ng tobacco.
Pagbabawalan din ang pagbebenta at pag-aadvertise nito sa mga menor de edad.
Parusa
Ibabase ang bigat ng parusa sa bilang ng paglabag.
Pagmumultahin ng mula P500 hanggang P1,000 ang mga first time offenders.
Papatawan naman ng P1,000 hanggang P2,500 multa ang mahuhuli sa ikalawang pagkakataon.
Para naman sa third offense, haharap sa P2,500 hanggang P5,000 multa ang mga lalabag. Bukod pa rito, posibleng i-revoke ang license to operate for business ng naturang establisyamento.
'Mas ligtas'
Samantala, kinikilala ng ordinansa na dapat itong bigyan ng ibang trato sa normal na sigarilyo:
'WHEREAS, e-cigarettes should be differentiated in terms of regulation from conventional cogarettes as studies have consistently concluded that e-cigarettes are significantly safer...
Bagama't mas ligtas kumpara sa tobacco, hindi ibig sabihing wala na sa peligro ang gumagamit nito.
Tulad ng karaniwang yosi, meron pa rin ito ng nakaadik na nikotina, sampu ng mga kemikal gaya ng diacetyl na iniuugnay sa lung cancer, volatile organic compounds at mga heavy metal gaya ng nickel, tin at lead. – James Relativo
- Latest