27M estudyante bibigyan ng insurance - DepEd
MANILA, Philippines — Nais ng Department of Education (DepEd) na bigyan ng year-round insurance ang may 27 milyong estudyante sa bansa, kasunod na rin nang pagkamatay ng limang mag-aaral sa isang vehicular accident sa Negros Oriental noong Marso 1.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, dahil sa sinapit ng mga estudyante ng Basay National High School, na kinabibilangan ng isang Grade 7 student at apat na Grade 11 students, ay bumuo sila ng mga plano upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga kabataang mag-aaral.
Plano nila na mabigyan ng year-round insurance ang mga mag-aaral, lalo na kung lalabas sila ng kanilang mga paaralan, upang lumaban sa mga kumpetisyon at iba pang aktibidad na may kinalaman sa kanilang pag-aaral.
Umaapela rin si Briones sa mga regulatory agency na magsagawa ng mas maingat na plano at monitoring sa mga behikulo, partikular na sa mga public utility vehicles (PUV), na kagaya nang sinakyan ng mga naturang estudyante na nasawi sa aksidente.
Tinukoy rin ni Briones ang pangangailangan nila sa quick response fund, dahil ang probisyon para sa financial assistance sa mga ganitong uri ng kaganapan ay hindi kasama sa budget ng DepEd kaya plano nilang ihayag ito sa Kongreso sa susunod na budget proposal nila.
Ayon pa kay Briones, isang malaking kawalan ang pagkamatay ng mga kabataan, dahil hindi lamang ang buhay ng mga ito ang nawala sa atin kundi maging ang pangako, labis na pangarap, at pag-asa.
- Latest