LP, bumuo ng bagong minorya sa Kamara
MANILA, Philippines — Nag-organisa na ang Liberal Party (LP) congressmen bilang bagong minorya sa Kamara.
Si Marikina Rep. Miro Quimbo ang napiling Minority leader habang si Quezon City Rep. Kit Belmonte naman ang tatayong Secretary General kasama ang may 10 pang kongresista.
Dahil dito, nagbitiw na si Quimbo sa kanyang posisyon bilang Deputy Speaker ng Kamara.
Ayon sa kongresista, magsusumite na sila ng sulat kay Speaker Gloria Arroyo para ipaalam dito na naorganisa na nila ang minority bloc at siya na ang bagong minority leader.
Paliwanag ni Quimbo na sila ang lehitimong Minorya alinsunod sa rules at jurisprudence ng Korte Suprema.
Tinabla naman niya ang paggigiit ng grupo ni Quezon Rep. Danilo Suarez na sila pa rin ang minorya dahil bumoto at nangampanya umano ito para kay GMA.
Para naman kay Caloocan Rep. Egay Erice, kung si Suarez ang magiging minority leader ay wala rin mangyayaring reporma sa Kamara kundi simpleng agawan lamang ng posisyon.
Giit pa ni Erice, kapag si Suarez ang naging minority leader ay hindi na ito magiging Kamara kundi ikinakamada na.
Giit ni Erice, hindi sila kontra sa pagpapalit ng liderato sa Kamara dahil sa mga pag-abuso ng dating House leader, ngunit hindi rin naman daw sila makakapayag na ang magiging oposisyon ay kaalyado rin ni Arroyo.
Payo naman ni Quimbo sa mga kongresista, kung mahal nila si GMA ay hayaang umiral ang rules para hindi na maulit pa ang nangyari sa ilalim ng pamumuno ni dating Speaker Pantaleon Alvarez na hindi nagkaroon ng tunay na minorya.
- Latest