Paglabas ng ‘narco list’ ok sa Senado
MANILA, Philippines — Pabor si Senate President Koko Pimentel na ilabas ang listahan ng mga opisyal ng barangay na pinaghihinalang sangkot sa iligal na droga sa gitna nang nalalapit na Sanguniang Kabataan at Barangay elections.
Ayon kay Pimentel, dapat ilabas ang listahan upang mabigyan ng pagkakataon ang opisyal na malinis ang kanilang pangalan.
Sinabi pa ni Pimentel na makatarungan para sa lahat ng sangkot na mailabas sa publiko ang listahan kaysa sa manatiling sikreto at magamit pa ng ilang tiwaling indibiduwal sa pangingikil.
Ayon naman kay Sen. Sonny Angara, kung sakaling ipalabas ang listahan, dapat linawin na preliminary lamang ito at hindi “conclusive” lalo na kung wala pang naihahaing kaso.
Mas makakabuti rin aniya kung ipalalabas ang pinanggagalingan ng impormasyon kung hindi naman confidential.
Una nang ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño na nasa 9,000 ang bilang ng mga barangay captain na nasa “narco-list” ni Pangulong Duterte.
- Latest