100 katao nalambat sa anti-crime ops

MANILA, Philippines — Pinagdadakip ang nasa higit 100 katao sa isinagawang Simultaneous Anti-Crime Law Enforcement Operations (SACLEO) ng mga tauhan ng Parañaque City Police kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.

Ayon sa hepe ng pulisya ng lungsod na si Police Sr. Supt. Victor Rosete, nasa 111 na katao ang kanilang nalambat sa kanilang ikinasang anti-crime operation sa 16 na barangay sa lungsod.

Sinimulan ng alas-9:00 ng gabi ang operasyon at tumagal ng hanggang alas-3:00 ng madaling araw.         

Karamihan sa mga nahuli ay mga kalalakihang nag-iinuman sa tabi ng kalsada, na isa sa mga ordinansang ipinagbabawal sa lungsod, mga nagsusugal, mga menor de edad na lumabag sa curfew hours at mga personalidad na may mga standing warrant.

Bukod sa mga naaresto, 17 motorsiklo naman ang kinumpiska dahil sa kakulangan ng mga dokumento.

Show comments