7 impostor na AFP, PNP operatives arestado sa checkpoint sa Marawi
MANILA, Philippines - Nasakote ang pitong katao na nagpanggap na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na hinihinalang magre-reinforce sa Maute-Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang nahuli sa checkpoint sa Brgy. Ernie Punod, Marawi City kamakalawa.
Ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Regional Director ng Police Regional Office-ARMM, ang mga suspek ay nakasuot pa ng uniporme ng pulisya at militar para makalusot sa checkpoint.
Gayunman, dahilan sa kakaiba ang kilos ng mga suspek na mali-mali ang kabit ng mga insignia ay nahalata ito ng mga lehitimong pulis at sundalo na nagbabantay sa checkpoint sa lugar.
Kinilala ni Sindac ang mga nasakoteng suspek na sina Arnel Bejaan, 45; Pacito Villanueva, 45; Junifer Alestre, 52; Bienvenido Sepe, 68; Florante Alejandrino, 38; Rufino Guyatao, 38 at Elsie Lantong, 48.
Ang mga suspek ay lulan ng kulay puting Toyota Fortuner na may nakakabit na ‘‘for registration’’ na minamaneho ni Leo Eliseo.
Ikinatwiran ng mga suspek pagdaan ng mga ito sa checkpoint na isang miyembro ng United Nations na si Captain James Gothrie ang kanilang kakatagpuin.
Nahaharap ngayon sa kasong usurpation of authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code ang mga naarestong suspek.
- Latest