600 Bilibid inmates nalason

MANILA, Philippines - Nalason ang nasa 600 inmate ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.

Kahapon, dumagsa sa NBP ang mga kaanak ng mga inmates na may mga bitbit nang mga pagkain, tubig at mga gamot para sa kanilang mga kaanak na nakakulong makaraang kumalat ang balita na marami ang nagkasakit sa loob ng bilangguan.

Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagkakasakit ng mga bilanggo na pawang galing sa maximum at minimum compound at tinamaan ng pagtatae, pananakit ng tiyan, dehydration at pagsusuka.

Napalabas na ng Bilibid hospital ang karamihan sa inmates ngunit nasa 59 pa ang nakaratay. Sa kanilang selda na lamang umano magpapagaling ang mga napalabas na. 

Pinaiimbestigahan na ni BuCor chief, Benjamin delos Santos ang insidente na nag-umpisa nitong nakaraang Huwebes. 

Bigla umanong nagsuka at nagtae ang mga inmate makaraang kumain ng rasyon na paksiw na bangus.  Pinagpapaliwanag na umano nila ang caterer ng NBP na noon pang 2003 nagseserbisyo ngunit ngayon lamang umano nagkaroon ng ganito.

Pinasusuri rin sa eksperto ang tubig sa NBP dahil sa posibleng kontaminado na ito.

Tinatayang nasa 24,000 bilanggo ang nakakulong sa NBP.

Show comments