Paghahanda sa bgy., SK elections sa Oktubre tuloy - Comelec
MANILA, Philippines - Tuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, kailangan nilang tumalima sa batas na nag-aatas sa poll body para paghandaan ang nasabing batas.
Ito ay ang Republic Act 10923 na nagpaliban sa Bgy. at SK Elections mula Oktubre 2016 patungo ng Oktubre 2017.
Tiniyak naman ni Bautista na susunod ang Comelec sakaling magpasya ang Kongreso na bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na magtalaga na lamang ng mga opisyal sa barangay sa halip na magdaos ng eleksyon.
Pero binigyang diin ni Bautista, dapat ay may batas munang maipasa.
Nirerespeto naman daw ng Comelec ang pagnanais ng Pangulo na magtalaga na lamang ng barangay officials dahil sa pangamba na magamit ang drug money sa pagpopondo ng kampanya ng mga tatakbo sa barangay elections.
Sinabi ni Bautista na mas may malawak na kaalaman ang pangulo ng bansa pagdating sa nasabing isyu.
Pero mainam din umano na pag-aralan kung sino ang bibigyan ng kapangyarihan na magtalaga ng barangay officials, ang gobernador ba, alkalde, o ang sangguniang panlalawigan o panglungsod.
- Latest