Sa pagsopla sa Korte Suprema: Duterte posibleng ma-impeach! - solon
MANILA, Philippines – Nakakuha ng kakampi sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno matapos siyang banatan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa aniya’y paggawa ng krisis at pakikialam sa estilo ng gobyerno sa paglipol sa mga opisyal na sangkot sa illegal drug trade sa bansa.
Ayon kay Kabayan Party-list Harry Roque, posibleng maharap sa impeachment at people power si Pangulong Duterte dahil sa pag-sopla nito sa co-equal branch ng gobyerno na Korte Suprema.
Sinabi ni Roque na tila ang Pangulo na ang nag-iimbita ng impeachment o kaya ay extra legal measure o tinatawag na people power. Ito ay dahil sa tahasang pagbanat ng Pangulo kay Sereno nang sumulat ang huli sa Punong Ehekutibo at kinuwestyon kung anong basehan ang kautusang ultimatum nang pagsuko ng mga tinaguriang narco judges kung wala namang warrant of arrest.
Bukod dito, nagbanta si Duterte na aatasan ang buong ehekutibo na huwag kilalanin si Sereno kasabay din ang banta sa pagdedeklara ng martial law.
Giit ng kongresista, sa isyu umano ng pagbalewala sa Saligang batas ay hindi naman pinag-uusapan ang popularidad at sa huli ay sa Konstitusyon din papanig ang taumbayan.
Para kay Roque, dapat na makinig ang Pangulo kay Sereno dahil wala naman talagang basehan ang “shame campaign” nito sa mga drug suspects at sa halip ay magsampa muna ng kaso sa korte.
Dahil ditto, pinayuhan ng kongresista ang pangulo na maghinay-hinay dahil sa maaaring hindi maisalba ng popularidad nito ang mataas na trust rating.
Kaugnay nito, pinare-reconvene ni Malabon Rep. Ricky Sandoval ang Judicial Executive Legislative Advisory and Consultative council (Jelacc) upang maresolba ang alitan ng pangulo at chief justice.
Giit ni Sandoval, ang pagkakaiba ng sangay ng gobyerno sa pagsugpo sa droga ay irreconcilable kaya dapat may Jelacc upang siyang aayon sa “rule of law”.
- Latest