Obispo kay Duterte: Pangalanan ang mga paring nagkasala
MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ng Simbahang Katolika si incoming president Rodrigo “Digong” Duterte na pangalanan nito ang mga pari na sinasabi niyang nagkasala at may mga itinatagong mga anak at asawa.
Ayon kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz, hindi niya ikinakaila na nagkakasala rin sila bilang tao ngunit kung ang mga akusasyon ni Duterte ang pag-uusapan ay kailangan pangalanan nito ang mga paring iniuugnay niya sa kanyang mga paratang.
Tiniyak ni Cruz na nakahanda ang Simbahan na gumawa ng karampatang aksyon hinggil sa nasabing usapin.
Ang hamon ni Cruz ay bunsod sa pahayag pa ni Duterte na ang Simbahang Katolika ang pinaka-hypocrite institution at humingi pa noon ng sasakyan sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Inamin ni Cruz na may pitong obispo na dating humingi ng sasakyan sa PCSO upang may magamit para sa pangangailangan ng mga mahihirap na tinutulungan ng Simbahan. Ang mga sasakyan ay pawang second hand, ngunit nang mabatid daw na hindi tama ang nangyari ay ibinalik din ito ng mga obispo sa PCSO.
Umaasa ang ilang obispo na magbabago pa ang pananaw ni Duterte sa Simbahang Katolika at sa asal nito sa sandaling umupo na bilang pangulo. Sa ngayon, nasa fighting mood pa umano si Duterte ngunit kapag pangulo na, posibleng lumawak ang kanyang pang-unawa at kalooban.
- Latest