Biglaang pag-adjourn ng Kamara binira
MANILA, Philippines – Inakusahan ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza ang liderato ng Kamara nang political bullying matapos ang biglaang pag-adjourn sa sesyon kamakalawa ng gabi ng walang nangyayari.
Sinabi ni Atienza, na-political bullying ang hindi pagsalang sa usapin ng panukalang P2,000 dagdag na pension sa Social Security System (SSS) gayung sapat ang bilang ng mga kongresistang nasa plenaryo.
Naniniwala ang mambabatas na nagkaroon ng “team play” kamakalawa ng gabi para hindi maikasa ang override sa veto ni Pangulong Aquino sa bill na may malaking tsansa.
Paliwanag pa nito, kung pinairal ng liderato ng Kamara ang malayang talakayan dapat hinayaang mapagbotohan ang override matalo man o manalo.
Para kay Atienza, binastos ang mga miyembro ng Kamara kagabi mula sa pagpatay ng mikropono hanggang sa sound system at aircon.
Kabaligtaran umano ito sa mga nangyari noong nakaraan na nagse-sesyon at nagpapasa ng mga panukala kahit walang mga tao sa plenaryo dahil kung kailan maraming miyembro ay saka naman hindi sila pinagtrabaho.
Subalit para kay House Deputy Speaker Jorge Banal, wala ng bago sa akusasyon lalo na at mula ito sa isang kongresista na tinaguriang “boy quorum”.
Giit ni Banal, gagawin ng mga kalaban ng administrasyon ang lahat para isulong ang sariling agenda.
- Latest