Mga Pinoy sa US, pinag-iingat sa Zika virus
MANILA, Philippines – Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Zika virus sa Amerika, pinag-iingat na ng Embahada ng Pilipinas sa Washington ang daan-libong Pinoy sa nasabing bansa upang makaiwas sa naturang sakit.
Sa inilabas na abiso ng Embahada, inalarma ang mga Pinoy sa Estados Unidos na itaas ang kanilang kaalaman ukol sa Zika virus sa posibleng paglaganap nito.
“Cases of Zika infection have been reported in the United States, where 31 Americans in 11 states and Washington, D.C. were reportedly diagnosed with Zika infection contracted while traveling abroad,” ayon sa Embahada.
Nakikipag-koordinasyon na ang Embahada sa mga Filipino community sa US upang magbigay ng karagdagang impormasyon, preventive measures at pag-aaral kaugnay sa naturang virus mula sa sintomas at sanhi nito, at paano ito nakakahawa sa tao.
Sa ngayon, wala pang iniuulat ang Embahada na may Pinoy na nahawaan ng nasabing virus sa Amerika.
Nakapagtala nitong nakalipas na buwan na marami nang bansang sakop ng Estados Unidos ang may mataas na bilang ng kaso ng Zika virus.
Sa kabila nito, wala pang ipinalalabas na advisory ang DFA at DOLE na nagbabawal o naghihigpit sa mga Pinoy na mag-travel sa mga bansang may kaso ng Zika virus.
- Latest