P3-B graft vs. Lim, isinampa sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Sinampahan kahapon ng kasong graft sa tanggapan ng Ombudsman si dating Manila Mayor Alfredo Lim at mga opisyal ng dalawang pribadong korporasyon dahil sa umano’y maanomalyang P3.46 bilyong parking deal scam.
Sa 8-pahinang reklamo na inihain ni dating mediaman Ricardo Santos Cruz sa pamamagitan ni Atty. Moses Pua laban kay Lim, Tokagawa Global Corporation vice president Rorie Cariaga, at Matsuyama Corp. managing officer Napoleon Ibalio, ang maanomalyang transaksyon ay may kinalaman sa 25-taong kontrata ng paglalagay at operasyon ng parking meters sa Maynila.
Binigyang diin ni Cruz na nilabag nina Lim ang Paragraphs (e) at (g), Section 3 ng R.A. 3019, o Anti Graft and Corrupt Practices Act, na nagbabawal sa sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na gamitin ang posisyon para sa personal na interes.
Ang kaso ay nag-ugat nang pumasok si Lim at dalawang korporasyon sa Tripartite Memorandum of Agreement (TMOA) noong September 17, 2012 na nagsasaad na ang Matsuyama ang maglalaan ng parking meters at management devices ng Maynila na ilalagay at imamantine ng Tokagawa.”
Sa kasunduan, ang Manila City government ay entitled sa 20 percent ng kita dito at ang 80 percent ay mapupunta sa dalawang kompanya bilang mga contractors at ang kontrata ay tatagal ng 25 taon.
Diin pa ni Cruz na sa kasunduang ito, may P11.58 milyong investment ang dalawang contractors at kumita agad ang mga ito ng P216,368,258.93 sa loob pa lamang ng dalawang taong operasyon mula 2013.Sa pagtatapos ng kontrata, ani Cruz, ay aabot sa P2.77 billion ang magiging kita ng dalawang contractors habang ang city government naman ay kikita lang ng kakarampot na P693.48 million.
Sinasabing sa average annual earning umano na P138,697,601 para sa dalawang taon ay lalabas na aabot sa P3.46 billion ang kikitain ng proyekto sa loob ng 25-year contract nito.
- Latest