Drilon: Leni bigyan ng panahon na kausapin ang mga anak
MANILA, Philippines - Dapat bigyan ng dagdag na panahon si Camarines Sur Rep. Leni Robredo para kausapin ang mga anak ukol sa alok na maging running mate ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas, ayon kay Senate President Franklin Drilon.
“Dapat bigyan natin ng panahon si Congresswoman Leni na makipag-usap sa kanyang mga anak,” wika ni Drilon nang tanungin ukol sa estado ng alok ng LP kay Leni Robredo.
“An offer has been made to her at alam mo ang desisyon kung tatakbo o hindi ay personal sa bawat kandidato,” wika pa ni Drilon.
Muling iginiit ni Drilon na walang ibang pinagpipilian ang LP kundi si Leni Robredo.
“Wala kaming Plan B,” wika ni Drilon.
“Talagang inalok kay Leni ang pagka-vice presidential candidate dahil siya ang sa aming tingin, ang modelo ng good governance, ng prinsipyo ng ‘Daang Matuwid’,” dagdag ng Senate President.
Nakatakdang ihayag ng LP ang vice presidential candidate nito sa October 5 sa Club Filipino.
- Latest