Bonifacio Global City umangat
MANILA, Philippines - Plano na rin ng mga top financial regulator na ilipat ang kanilang mga head office sa Taguig matapos sunud-sunod na maglipatan ang mga nangungunang national at multinational corporations.
Kabilang sa mga ito ang Philippine Stock Exchange (PSE), Securities and Exchange Commission (SEC) at Insurance Commission (IC) na nauna nang nag-anunsiyo sa kanilang plano na ilipat ang kanilang headquarters sa Bonifacio Global City.
Ang Intellectual Property Office (IPO) at ang Philippine Chamber of Commerce Inc. (PCCI) naman ay nakalipat na sa BGC.
Ikinatuwa naman ni Mayor Lani Cayetano ang mga tinawag nitong “new partners” ng lungsod. Sinabi ng alkalde na ang desisyon ng mga itong ilipat ang kanilang mga tanggapan sa BGC at ang ilang daang korporasyon na nauna na sa mga ito ay nagpapatunay sa tumataas na kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa Taguig.
“Ang plano ng mga top business regulator ng bansa na lumipat sa Taguig ay indikasyon ng mataas na kumpiyansa sa BGC na isang fast-rising at high- flying financial center ng bansa,” pahayag ni Mayor Lani.
Iginiit ni Mayor Lani na ang sinusunod na business model ng lungsod ay ang pagpapatupad ng no corruption, lower taxes, better services at business policies, at no number coding.
“Dito sa Taguig, madalas tayong nakakukuha ng vote of confidence mula sa iba’t ibang mga negosyo na itinuturing nating mga katuwang sa development. Sila’y aming nirerespeto na kung saan ipinapakita namin na ang kanilang mga buwis ay tunay na napupunta sa mga mamamayan ng Taguig,” pagmamalaki pa ni Mayor Lani.
Ilang mga negosyo na ang naglipatan sa lungsod, kabilang dito ang Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc., Coca -Cola Foundation Philippines, Inc., East West Bank.
Ang BGC ay tahanan na rin ngayon ng malalaking kumpanya tulad ng Smartmatic Philippines, Inc.; Manila Water Company, Inc.; Hewlett-Packard AP LTD-Phil.: Sony Philippines, Inc.: Sun Life Corporation; at ang Hongkong and Shanghai Banking Corp. Limited.
Nasa Taguig na rin ngayon ang mga prominenteng law firm na Abello Concepcion Regala & Cruz (ACCRA Law) at ang Villaraza Cruz Marcelo & Angangco (CVC Law).
Maging ang mga nangungunang academic institution ay nagtatayo na rin ng kanilang mga gusali sa lungsod tulad ng University of the Philippines at ang De La Salle University. Ang Korte Suprema ay binabalak na ring lumipat sa BGC.
- Latest