Malacañang nag-sorry sa matinding trapik sa EDSA 1 celebration
MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang Malacañang ngayong Huwebes sa publiko dahil sa mabigat na daloy ng trapiko kahapon bunsod ng pagsasara ng ilang pangunahing kalsada para sa pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution anniversary.
"Hinihingi namin ang kanilang paumanhin sa pagkabalam ng kanilang pagbibiyahe. Hinihingi rin ang kanilang pag-unawa. At siguro marami tayong leksyon na napulot doon katulad nga ng inyong suhestyon," wika ni Communications Secretry Herminio Coloma Jr.
Isinara ang northbound ng EDSA mula Shaw Boulevard sa Mandaluyong hanggang kalye ng Boni Serrano sa lungsod ng Quezon para sa simpleng paggunita ng EDSA 29 sa People Power Monument at sa EDSA Shrine.
Tanging pasok sa paaralan lamang ang sinuspinde ng gobyerno, kaya naman karamihan ng mga naipit sa trapiko ay mga manggagawa.
"Iyon namang pagdedeklara ng holiday, puwede namang isagawa iyan ng mga lokal na otoridad din. Kaya siguro iyan ang isasaalang-alang natin para maiwasan na iyang ganyang problema sa susunod na taon," dagdag ni Coloma.
Aniya isasaalang-alang ang mungkahi ng publiko sa pagdiriwang sa susunod na taon.
Samantala, pinabulaanan ni Coloma ang ulat sa isang pahayagan na kaya tumanggi si Pangulong Benigno Aquino III na ideklarang holiday ang EDSA 29 dahil sa takot na lumahok sa protesta ang mga manggagawa laban sa kanya.
"Walang batayan at walang katotohanan. Dahil balik-tanawin lang natin. Talaga namang school holiday lang po iyan. Hindi naman po talaga dinedeklara na non-working holiday para sa lahat. Wala pong batayan ang kanyang paratang."
- Latest