3 insecticides mula China nakapasok kahit ipinagbabawal

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon sa publiko ang Food and Drugs Administration (FDA) na huwag bumili ng mga insecticides pro­ducts na hindi rehistrado partikular ang mga imported na hindi kilala ang manufacturer upang hindi manganib sa lason na taglay nito.

Kasabay nito, nanawagan na rin sa Bureau of Customs (BOC) ang FDA na higpitan pa ang pagbabantay upang hindi makapasok ang mga hindi rehistradong produkto tulad ng muling pagpupuslit ng tatlong uri ng insecticides mula sa China na nagkalat na naman umano sa merkado partikular sa Divisoria market.

Kabilang sa hindi rehistradong insecticide brands na naipasok sa bansa na kinabibilangan ng Big Bie Aerosol Insecticide, Tianshi Insect Killer at  Baolilai Aerosol Insecticide.

Sa advisory ng FDA, ang tatlong produkto ay may taglay na Cypermethrin, isang broad spectrum insecticide na hindi lamang mga insekto ang kayang mapin­sala kundi maging iba pang hayop. Mayroon din umano itong photostable synthetic Type II pyrethroid pesticide na maaaring magdulot ng damage sa vital organs ng tao kabilang ang brain, liver at kidney at napatunayan na rin na nagiging sanhi ng kanser.

Sa record ng FDA, ipinagbawal na nila ang paggamit ng Big Bie Aerosol, kasunod ng ulat ng National Poison Management and Control Center noong Agosto 2014 na may isang kaso ng pagkalason sa Big Bie Aerosol.

Isang 3 anyos na batang lalaki ang nag-spray sa kaniyang katawan na nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagtate at pagsusuka bagamat naagapan naman ng gamutin.

Show comments