APEC meetings simula na ngayon
MANILA, Philippines – Magsisimula na ngayong Lunes, Enero 26 ang mga pulong kaugnay ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na gaganapin sa bansa sa Nobyembre.
Ayon kay Presidential Communications Office Sec. Sonny Coloma, simula ngayon idaraos ang APEC Senior Officials’ Meeting and Related Meetings (SOM-1) sa Clark, Pampanga at sa Subic, Zambales.
Dadaluhan ito ng mga kinatawan mula sa 21 APEC member economies.
“Ang nasabing pagpupulong ay isang mahalagang bahagi ng nakatakdang pagdaraos ng 23rd APEC Economic Leaders’ Meeting sa Nobyembre ng taong ito kung saan ang Pilipinas ang tatayo bilang host at tagapangulo,” sabi ni Coloma.
Tampok anya sa pagpupulong na tatagal hanggang Pebrero 7 ang mahigit sa 30 working group at committee level meetings sa iba’t ibang paksa, kabilang na ang kalakalan at pamumuhunan, ekonomiya at pakikipagtulungang teknikal at paglaban sa katiwalian at terorismo.
Babalangkasin din ang mga istratehiya at paraan upang itaguyod ang mga prayoridad sa APEC 2015 sa ilalim ng temang ‘Building Inclusive Economies, Building a Better World.’
Bilang host, magdaraos din ang Pilipinas ng dayalogo sa pagitan ng mga kinatawan mula sa pampubliko at pribadong sektor upang talakayin ang mga paraan tungo sa pagpapalakas ng kalakalan.
- Latest