Pantay na pribilehiyo sa regular at non-regular gov’t employees
MANILA, Philippines – Upang masolusyunan ang hindi na pantay na pagtrato sa pagitan ng regular at hindi regular na empleyado ng gobyerno at upang makatulong sa tumaas na insidente ng kahirapan, isinusulong ng isang bagitong kongresista na mabigyan na rin ng katulad na benepisyo na natatanggap ng mga regular na empleyado ang mga hindi regular.
Sa House Bill 3577 o ang “An Act Granting Benefits to Non-regular Employees of the Government ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, aamyendahan nito ang Republic Act 8291 upang mapataas ang standard of living at mapabuti ang pamumuhay ng mga hindi regular na empleyado dahil katulad din ng mga regular ay nagsisilbi din ang mga ito sa taong bayan.
Paliwanag pa ni Vargas, sa kabila ng katotohanan na ang non-regular employees or mga job order personnel na nasa ibat ibang government units o agencies ay hindi sakop ng Civil Service Regulations subalit ang kanilang trabaho ay maituturing na hindi bahagi ng serbisyo ng gobyerno.
Bukod dito, napuna din ng kongresista na ang mga hindi regular na kawani ng gobyerno ay hindi masaya sa relasyon nila sa kanilang mga employer kaya hindi sila nasasakop ng Labor code.
Sa ilalim ng panukala ni Vargas, isinusulong nito ang pagbibigay sa mga non-regular government employees ng karapatan na mabayaran tuwing holiday, mabigyan ng 13th month pay at karapatan sa multi purpose leave credits; dapat maging miyembro ng National Health Insurance Program (NHIP); Home Development Mutual Fund (HDMF), Pag-IBIG Fund; at sa Government Service Insurance System (GSIS).
Giit pa nito, nararapat lamang na siguruhin ng gobyerno na ang mga empleyado ay maalagaan at maprotektahan sa anumang exploitation.
- Latest