Bawas pasahe sa bus, taxi diringgin ng LTFRB
MANILA, Philippines – Dahil sa sunud-sunod na rollback ng halaga ng krudo, diringgin na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagbubukas ng bagong taon ang petisyon na bawasan ang pamasahe sa taxi, UV express, at mga bus.
Nakatakda ang pagdinig sa Enero 9, 2015 ganap na alas-9 ng umaga sa punong himpilan ng LTFRB sa East Avenue, Quezon City.
Nakasaad sa petisyon ni Negros Oriental Rep. Manuel Iway kahapon na ibababa sa P30 ang flagdown ng taxi mula P40, habang P2.50 na lamang dapat ang dagdag kada 300 metro imbis na P3.50 para sa mga taxi.
Dalawang piso naman ang nais itapyas ng mambabatas mula sa minimum fare sa walang aircon na bus na magiging P8 na may P1.50 na lamang dagdag kada limang kilometro mula sa P1.85 sa kasalukuyan.
"Nauunawaan po namin na dahil sa sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng diesel sa pandaigdigang merkado, kailangan ding maramdaman ng publiko na sumasakay sa mga taxi ang resulta ng paggalaw ng presyo ng krudo kaya naman naman nagpapatawag ang Board ng public hearing upang matugunan ang petition ng ating mangbabatas at consumer group," pahayag ni LTFRB chairman Winston Ginez.
Pinagbasehan ni Iway ang malaking ibinababa ng halaga ng diesel sa nakalipas na tatlong taon mula P47.75 kada litro na ngayon ay nasa P31.15 na lamang kada litro.
Nitong nakaraang linggo lamang ay binawasan ng P1 ang minimum fare sa jeep na ngayon ay P7.50 na lamang.
- Latest