Globe, naghandog ng libreng tawag sa OFWs
MANILA, Philippines - Nagkaloob ng Libreng Tawag ang Globe Telecom sa mga overseas Filipino workers na nagta-trabaho mula sa walong (8) bansa sa Asia, Europe, Middle East at North America upang alamin ang kalagayan ng kanilang mga pamilya na naninirahan sa mga lugar na apektado ng pananalasa ng bagyong Ruby.
Ayon kay Gil Genio, Globe Chief Operating Officer for Business and International Markets, ang mga OFWs na mula sa Spain, UK, Saudi Arabia, Canada, Singapore, Hong Kong, USA at Italy na pawang may mataas na bilang ng manggagawang Pinoy ay nabigyan ng pagkakataong kamustahin ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi ni Genio na ang pagtatalaga sa walong (8) bansa kung saan direktang pinaglilingkuran ng Globe ang mga manggagawang Pinoy ay bahagi ng kanilang pag-agapay sa mga ito, partikular na sa panahon ng kalamidad.
Nilinaw naman ni Rizza Maniego-Eala, Globe Senior Vice President for International Business na sa bansang Italya, ang libreng tawag ay isinagawa sa Globe stores sa Milan at Rome. Inoffer naman sa pamamagitan ng Globe accredited retailers ang serbisyo para sa mga OFWs sa Spain, UK, Saudi Arabia, Canada, Singapore at Hong Kong. Sa US, isinagawa ang Libreng Tawag sa branches ng Seafood City sa west coast, samantalang sa east coast ay via web sa pamamagitan ng subscribed access service ng Lunex.
- Latest