5 senador iniimbestigahan dahil sa DAP

MANILA, Philippines – Limang senador ang tinututukan ngayon ng National Bureau of Investigation dahil sa umano'y maling paggamit ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program.

Kinumpira ni Justice Secretary Leila de Lima ngayong Lunes ang imbestigasyon ng NBI sa hindi pinangalanang mga senador na nakipagsabwatan din umano sa itinuturong utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.

Ayon sa kampo ng whistleblower na si Benhur Luy, halos P500 milyong pondo ng DAP ang napunta kay Napoles.

“Willing si Luy mag-execute ng affidavit tungkol diyan patungkol diyan sa pondo. Makukumpleto po n'ya ung kwento paano pumasok ung pondo, paano lumabas," wika ng abogado in Luy na si Raji Mendoza nitong weekend.

Nag-ugat ang imbestigasyon matapos ideklara ng Korte Suprema na hindi naaayon sa Saligang Batas ang ilang parte ng DAP.

Isiniwalat ni Senador Jinggoy Estrada nitong nakaraan taon na ginamit ang DAP bilang incentive ng mga senador na bumoto sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.

Show comments