'Florita' super typhoon na – US Defense

MANILA, Philippines — Kung ang Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ng United States Department of Defense ang susundin, isa nang super typhoon ang bagyong “Florita.”

Sinabi ng JWTC ngayong Lunes na taglay ng bagyo ang lakas na aabot sa 240.76 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 296.32 kph.

Dagdag nila na gumagalaw pa-hilaga-kanluran ang pang-anim na bagyo ngayong taon sa bilis na 25.98 kph.

Samantala, hindi naman ginagamit ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang salitang kategoryang super typhoon.

Sa kanilang pinakahuling update, may taglay lamang na 185 kph ang bagyo at bugsong aabot sa 220 kph.

Namataan ng PAGASA ang mata ng bagyo sa 650 kilometers silangan hilaga-silangan ng Aparri, Cagayan kaninang ala-6 ng umaga habang gumagalaw ito sa pa-hilaga-kanluran sa bilis na 24 kph.

Hindi inaasahan ng state weather bureau na tatama sa kalupaan si Florita, ngunit inaasahang palalakasin nito ang hanging habagat na maaaring magdala ng malakas na ulan.

Nasa 20 bagyo ang inaasahan ng PAGASA na papasok sa bansa kada taon.

Show comments