PAO umayuda sa mga preso

MANILA, Philippines - Nagsagawa ng legal, medical, dental, optical jail visitation at decongestion program ang Public Attorneys’ Office (PAO) sa Manila City Jail at Manila Youth Reception Center.

Nasa 37 PAO lawyers sa pangunguna ni Chief Public Attorney Persida Rueda-Acosta ang nagsagawa ng nasabing aktibidad sa layuning mapaluwag ang mga bilangguan bunga ng overstaying dahil sa kawalan ng abugado na nagpoproseso.

Target umano na mapalaya ang mga overstaying o nakulong na ng mahigit pa sa ipapataw na parusa sakaling mahatulan ng korte. Inaasahang makikinabang dito ang may 100 mula sa female dorm at 300 sa male dorm ng MCJ.

Ani Acosta, noong nakalipas na jail visitation ay nasa 700 pa ang female dorm inmates na ngayon ay nasa 500 na lamang dahil sa nagawa nilang decongestion noong nakaraan.

Nag-medical mission din ang PAO upang masuri ang kalusugan ng mga bilanggo gayundin ang mga ngipin at mata ng mga ito.

Sunod namang dinalaw ng PAO ang Manila Youth Reception Center na piitan ng mga menor de edad na inmates upang alamin ang kanilang mga kaso gayundin ang kalusugan.

 

Show comments