Joy kay SB ‘Dad mag-asawa ka na’

MANILA, Philippines - Itinutulak na ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang kanyang ama na si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na mag-asawa na.

Ito ay upang magkaroon na nang mamumuno sa Congressional Spouses Foundation Inc. na kasaluku­yang pinamumunuan ng QC Vice Mayor.

Sa tradisyon, ang pinuno ng Congressional Spouses Foundation Inc. ay asawa ng House Speaker subalit dahil biyudo na si Belmonte ay ang anak nitong si Vice-Mayor Joy Belmonte ang siyang namumuno rito.

Si House Speaker Belmonte ay biyudo ni dating Philippine Star President Betty Go Belmonte.

Sa ginanap na paglulunsad ng Kabuhayan 2013 National Livelihood Trade Fair sa tanggapan ni Speaker Belmonte, sinabi ng anak nito na wala pang pinapakilalang girlfriend ang kanyang ama kaya sinabihan niya ito na mag-asawa na dahil masyado na siyang busy sa Quezon City.

Subalit mabilis naman na pinaalalahanan ng batang Belmonte ang kanyang ama na huwag naman mag-aasawa ng isang 16 taong gulang dahil isa siyang “child rights advocate” na ang tinutukoy ay ang relasyon ng singer composer na si Freddie Aguilar na 60 anyos habang ang kasintahan nito ay 16 anyos.

Show comments