Maid na ipinakulong ni Napoles laya na

MANILA, Philippines - Nakamit ng dating katulong ni Janet Lim-Napoles ang katarungan makaraang mapawalang-sala at palayain ng Makati City Regional Trial Court sa kinakaharap na kasong qualified theft.

Ipinag-utos ni Makati RTC Branch 145 Judge Carlito Calpatura ang pagpapalaya kay Dominga Cadelina, 56, makaraang paboran ang inihaing mosyon ng Public Attorney’s Office para iatras ang kaso dahil sa paniwalang gawa-gawa lamang ito.

Halos walong buwan nakulong sa Makati City Jail si Cadelina makaraang ipakulong noong Pebrero ni Napoles dahil sa pagnanakaw umano ng bag, underwears at jacket na nagkakahalaga ng halos kalahating milyong piso.

Ngunit kinuwestiyon ng PAO ang pagkakabilang sa underwear tulad ng panty sa tinatawag na “conjugal o community property” upang ipakita ang kanyang pagi­ging inosente. Una nang sinabi ni Cadelina na iniregalo umano sa kanya ang mga gamit ni Napoles dahil sa papatapos na ang kanyang kontrata rito.

Kinuwestiyon rin ng mga abogado ng PAO ang hindi pagkakatugma ng inilabas nilang resibo sa tunay na halaga ng mga sinasabing ninakaw na gamit. Dahil dito, hiniling ng PAO sa korte na maglabas ng “Demurrer to Evidence” o kakulangan sa ebidensya para sa kaso.

Una nang sinabi ni Cadelina na nagalit umano sa kanya si Napoles nang marinig na kumakampi siya kay Benhur Luy, ang whistleblower sa “Pork Barrel scam”.

Sinamahan naman ni PAO chief, Atty. Percida Acosta si Cadelina sa paglaya nito at idideretso sa pagamutan dahil sa pagtaas ng presyon ng dugo. Sinabi ni Cadelina na wala na siyang nararamdamang galit kay Napoles ngunit hindi naiwasang maglabas ng hinanakit kay Reynald Lim. 

Sa kabila nito, hindi na ito nagsabi na magsasampa ng anumang kontra demanda laban sa dating amo.

Show comments