Salvaging ng USS Guardian patuloy

MANILA, Philippines - Naiangat na ang second level o 02 level na bahagi pa rin ng superstructure ng sumadsad na USS Guardian sa Tubbataha Reef, sa Palawan.

Ito ang nabatid kahapon sa nagpapatuloy na salvaging operations sa nasabing US warship sa Tubbataha.

Ayon kay Commodore Enrico Evangelista, Commander ng Philippine Coast Guard-Palawan District at namumuno ng Task Force Tubbataha, ang 02 level o bridge ng barko ay ang lugar kung saan nagmamando ang kapitan ng US minesweeper.  

Sa kasalukuyan ay nakatutok na ang salvaging team sa pagkalas naman ng 01-level o first level ng barko.

Ipinaliwanag pa ni Evangelista na kapag naiangat na ang 01 level ay isusunod ang pagkalas sa hull o ang pangunahing katawan ng barko.

Una nang nakalas ng salvaging team ang smoke stock o funnel at mast o ang pinakamataas na poste sa barko.

Ang mga naiaalis na bahagi ng USS Guardian ay inililipat naman sa nakaantabay na Barge S-7000 na hatak naman ng Malaysian Salvage vessel na Trabajador 1.

Target ng Task Force Tubbataha na makumpleto ang salvaging operations sa Marso 23.

Show comments