2 suspek sa NAIA 3 ambush tukoy na - De Lima
MANILA, Philippines – Tukoy na ng mga awtoridad ang dalawang suspek na nasa likod ng pananambang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 noong Biyernes na ikinasawi ng apat na katao, kabilang ang 18-buwang sanggol.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima ngayong Lunes na nasa kamay na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangalan ng mga suspek na pumatay kay Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa, asawang si Lea, pamangking si Shariff Udin Talumpa, at isa’t kalahating taong gulang si Phil Tomas.
Kaugnay na balita: Alkalde sa Zambo, sanggol, utas sa pananambang sa NAIA3
Dagdag ni De Lima na maaaring Mindanao drug syndicates ang nasa likod ng pananamabang bandang alas-11 ng umaga noong Biyernes sa arrival area ng NAIA 3.
Ayaw pangalanan ni De Lima ang pangalan ng mga natukoy na suspek.
Nabanggit naman ni De Lima ang isang sindikatong Nandang Malako Afdal sa Mindanao na protektado ng ilang politiko.
Nauna nang nabanggit ni Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles na marami ang nasagasaang sindikato ni Talumpa sa kanyang kampanya kontra droga.
Kaugnay na balita: Roxas pinatutugis ang mga pumatay sa Zambo mayor
Sinabi ni Cerilles na sina Wilson "Kitty" Nandang at Abubakar Afdal y Abdul Karim ang maaaring nasa likod ng sindikato.
"Si Ukol Talumpa ay malakas ang advocacy niya laban sa droga. Palagay ko yung mga taong gusto siya mawala ay mga taong gustong lumaganap ang droga dito sa aming lalawigan," banggit ni Cerilles.
Dalawang beses nang sinubukang patumbahin si Talumpa noong bise-alkalde pa lamang siya, kabilang ang pananambang noong 2010 sa Ermita, Maynila.
- Latest
- Trending