Jessica Sanchez kakanta sa laban ni Pacquiao kontra Rios

MANILA, Philippines – Pumayag si American Idol runner-up Jessica Sanchez na kumanta ng pambansang awit sa laban ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao kontra kay Brandon Rios.

Ipinaalam ni Pacquiao kay Sanchez ang kanyang kahilingan sa microblogging site na Twitter.

Nakatakdang magtuos si Pacquiao at Rios sa Cotai Arena, Venitian Resort sa Macau sa Nobyembre 24.

Kaugnay na balita: Boxing legends pabor kay Pacquiao kontra Rios

Tangka ng boksingero at kongresista na bumangon mula sa dalawang sunod na pagkatalo.

Una siyang pinataob ni Timothy Bradley Jr. noong Hunyo 2012 sa isang kontrobersyal na desisyon, habang pinatulog naman siya ng kanyang matinding karibal na si Juan Manuel Marquez noong Disyembre ng nakaraang taon.

Nakilala sa Estados Unidos ang half-pinay na si Sanchez matapos manalo bilang first runner-up sa American Idol season 11 noong 2012.

Una nang kumanta si Sanchez ng American national anthem noong bakbakan ni Pacquiao at Bradley.

Show comments