Ilang mamamahayag kabilang sa 'Yolanda' victims

MANILA, Philippines - Apat na mamamahayag ang kabilang sa libu-libong iniwang patay ng bagyong "Yolanda" sa Visayas region habang nagtatrabaho, ayon sa National Union of Journalists (NUJP).

Sinabi ni NUJP chair Rowena Paraan  na lumalaki rin ang bilang ng mga namatay na mamamahayag dahil sa pagtama ng bagyo nitong Biyernes ng nakaraang linggo.

Kinilala ang apat na biktima na sina DyBR Apple Radio reporters Archie Globio at Malou Realino at Aksyon Radyo reporters Allan Medina at Ronald Vinas na pawang nakabase sa Tacloban City, isa sa mga pinakamatinding hinagupit ng bagyo sa Eastern Visayas.

"The news that I have been dreading: that we have colleagues who have died from Yolanda's wrath," sabi ni Paraan sa social networking site na Facebook.

Bukod sa apat na patay, nawawala pa ang iba pa nilang kasamahan na sina Babay Jaca, Lulu Palencia at Jun Estoya.

Ipinaalaala rin ni Paraan na higit sa lahat ay kaligtasan ng bawat mamamahayag ang kailangang unahin habang nagtatrabaho.

"Many places have been so devastated and communication is still down that coverage safety should still be a primary concern," paalaala nj Paraan.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ay nasa 2,357 na katao na ang patay, habang 3,853 ang sugatan at 77 ang nawawala. 

Show comments