Negosyante dinukot sa Maguindanao

MANILA, Philippines – Dinukot ng mga hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang isang mangangalakal sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao nitong Huwebes ng hapon, ayon sa mga pulis.

Sinabi ni Senior Superintendent Rodelio Jocson, direktor ng Maguindanao provincial police office, dinukot si Kenneth Cabrera ng mga armadong lalaki malapit sa kanyang bigasan at maisan sa Barangay Kauran sa Ampatuan.

Dagdag ni Jocson, binaril pa si Cabrera ng mga armadong lalaki nang subukan ng biktima na lumaban.

Puwersahang isinakay ng mga suspek ang sugatang si Cabrera sa naghihintay na getaway vehicle malapit sa tindahan.

Naplakahan ng mga nakasaksi sa pagdukot ang sasakyan ng mga suspek na isang Toyota Corona (PCH 748) habang humaharurot patakas sa Barangay Salman.

Sinabi ni Col. Dickson Hermoso, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Army, nakikipagtulungan na ang mga sundalo sa mga pulis sa pagtugis sa mga kidnapper.

Show comments