Lalaki nawalan ng 3 daliri sa 'superlolo'

 

MANILA, Philippines - Nalagasan ng tatlong daliri ang isang lalaki sa Zamboanga City matapos maputukan ng "superlolo" sa kanyang kanang kamay habang nag-iinuman sa Zamboanga City.

Ayon kay Dr. Romeo Ong, direktor ng Zamboanga City Medical Center, nakikipag-inuman si Franklyn Arcillas nang masabugan ng paputok.

Ani Ong, si Arcillas ang pinakahuli sa 13 taong naitalang naputukan simula Disyembre 31.

Ayon kay Arcillas, pinulot niya ang isang lata na may laman na "superlolo" sa pag-aakalang wala pang sindi ang paputok. Pagsabog ng paputok, lumaylay ang hinlalaki, hintuturo at hinlalato ng biktima.

Samantala, isang 9-anyos na batang lalaki ang nasugatan ng paputok sa kanyang kaliwang mata.

Ayon kay Ong, naka-alerto na ang Zamboanga city Medical Center at handang-handa na sila sa inaasahang pagdagsa ng mga masusugatan dahil sa paputok ngayong gabi ng Disyembre 31 hanggang sa Enero 1.

Show comments