Quezon Service Cross iginawad kay Robredo

MANILA, Philippines – Ginawaran ang namayapang kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Jesse Robredo ng Quezon Service Cross (QSC) ngayong Lunes ng umaga.

Ang QSC ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng bansa sa isang indibidwal, kung saan kasama ni Robredo sa listahan ang mga dating pangulo na sina Manuel Quezon, Ramon Magsaysay at Emilio Aguinaldo.

Ibinigay ni Pangulong Benigno Aquino III ang QSC sa asawa ni Robredo na si Lani sa Malacañang, 100 araw matapos mamatay ang kalihim dahil sa pagbagsak ng sinasakyang eroplano noong Agosto 18.

Ang namayapang ama ni Pangulong Aquino na si Senador Benigno Aquino Jr. ang huling ginawaran ng naturang parangal.

Sinabi ni Aquino na ang posthumous honor ay para kilalanin ang hindi matatawarang serbisyo ni Robredo sa Naga gayundin ang mga proyekto nito sa Department of Interior and Local Government.

"Kinakatawan ni Jesse ang mga katangian ng isang tunay na lingkod-bayan: matapat, masigasig, at mapagkumbaba. Batid niyang bilang kawani ng gobyerno, ang una at ang huli niyang tungkulin ay ang pagsilbihan ang bandila, at iangat ang kanyang kapwa—anumang pansariling sakripisyo ang kaakibat nito," sabi ni Aquino sa kanyang talumpati.

"Kanyang pinatunayan na hindi laging naipapamalas ang kadakilaan sa lakas ng puwersa, sa katapangan, o sa kagitingan. Isang simpleng taong kumakalinga sa simpleng tao: dito po natin maaalala ang pangalang Jesse Manalastas Robredo," sabi pa ng Pangulo.

Si Robredo ang panlimang opisyal na tumanggap ng QSC na maigagawad lamang ng Pangulo ng bansa kung may pagsang-ayon ng Kongreso.

Unang ginawa ni dating Pangulong Manuel Roxas ang pagkilala noong 1946. Camille Diola

Show comments