EDITORYAL — Cabinet reshuffle
NAGKAROON ng reshuffle sa Gabinete ni President Ferdinand Marcos Jr.
Ibinalik si Vince Dizon sa Department of Transportation (DOTr) at itinalaga naman si Giovanni Lopez sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa Malacañang, layunin ng reshuffle na mapabilis ang mga reporma at mapagaan ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan. Malaki ang trabahong sakop ng dalawang ahensiya.
Sa DOTr, inaasahang lulutasinn ni Dizon ang matagal nang problema sa araw-araw na kalbaryo ng commuters, mahahabang pila sa Land Transportation Office, mga fixer at mga naantalang mass transport projects.
Sa DPWH naman, inaasahang ipagpapatuloy ni Lopez ang mga reporma laban sa korapsiyon at sisiguraduhing matatapos ang mga nakatenggang infrastructure projects. Nayanig ang DPWH sa mga anomalya sa flood control projects na hanggang ngayon, patuloy pang iniimbestigahan. Marami pang indibidwal ang pinaghahanap kaugnay sa anomalya gaya ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na nagkamal ng multimilyong pisong kontrata na pawang “ghost projects”.
Sa reshuffle na isinagawa makikita ang isang mahalagang punto: hindi dapat nakasalalay sa isang secretary lamang ang pagbabago sa isang ahensiya.
Sinabi ng Malacañang na tungkulin ni Lopez na gawing permanente ang mga nasimulang reporma sa DPWH sa pamamagitan ng mas malinaw na rules, processes at systems. Ito ang dapat maging tunay na sukatan ng reshuffle. Kung aalis ang isang opisyal at kasabay nitong mawawala ang transparency measures, anti-corruption safeguards o mga programang sinimulan niya, mahina ang sistema. Ang magandang reporma ay dapat nagpapatuloy kahit magpalit ang nakaupo.
Ganito rin sa ibang departamento.
Sa mga nakaraang buwan, nagkaroon din ng pagbabago sa pamunuan ng DICT, Presidential Communications Office, Department of Health at Department of Budget and Management.
Natural lamang na magpalit ng tao ang isang administrasyon. Pero sa huli, hindi pangalan ng bagong secretary ang pinakamahalaga sa publiko.
Ang tunay na saysay ng Cabinet reshuffle ay makikita sa resulta: mas naging maayos ba ang serbisyo, nawala ba ang korapsiyon, bumilis ba ang mga proyekto at mas gumagaan ba ang araw-araw na buhay ng mamamayan?
Kung walang pagbabagong makikita, palit-pangalan lamang ang isinagawang balasahan. Pinagpalit-palit at pinaglipat-lipat lang.
- Latest



















