Death penalty sa magtatapon ng basura
Nakakatakot ang ordinansa sa isang barangay sa Bangued, Abra kung saan ang sinumang lalabag sa pagtatapon ng basura sa ikatlong offense ay bibistayin ng bala. Hindi makatao ang parusang ito na kamatayan ang igagawad dahil sa pagtatapon ng basura.
Saan kaya nakuha ng barangay chairman ng Bgy. Calaba ang ideyang ito na sinuportahan naman ng mga konsehal. Kung nagkataon, hindi basura ang kakalat sa Bgy. Calaba kundi mga bangkay. Kakatakot!
Ang naisip nina Bgy. Chairman Renato Brasuela, at mga konsehal na sina Marjun Santiago, Rosemel Viado, Marlbour Valera, Carmelita Venus at SK Chairperson Darryl Blanes ay hindi katanggap-tanggap sapagkat nagpapakita lamang na wala silang pagrespeto sa karapatang pantao at sa halaga ng buhay.
Oo nga at maraming residente ang pasaway at walang disiplina sa pagtatapon ng basura pero ang parusahan ng kamatayan ang lalabag sa ikatlong pagkakataon ay hindi nararapat. Kung kailan binuwag na ang death penalty sa bansa ay saka naman nakaisip ng ganitong parusa si Chairman at mga kasama.
Sa ordinansa, pagmumultahin ng P1,000 ang lalabag sa unang pagkakataon; ikalawang paglabag, multang P1,000 at walong oras na community service; at, ikatlong paglabag, “death penalty” kung saan babarilin ang illegal na nagtatapon ng basura.
Sumusunod naman ang mga tao sa ipinatutupad na batas. Hindi na kailangang takutin na babarilin. Isaayos lamang ang pagpapatupad ng batas sa maayos na pagtatapon ng basura.
Huwag baril ang gamitin sapagkat magiging magulo ang komunidad. Lahat ay nagnanais ng kapayapaan.
- Latest