Bamban mayor, pinasususpinde ng DILG sa Ombudsman
MANILA, Philippines — Pinasususpinde ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa Office of the Ombudsman si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasabay ng binuong task force na mag-iimbestiga ng posibleng pagkakasangkot nito sa ilang illegal activities ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang bayan.
“The DILG recommended to the Ombudsman the issuance of a preventive suspension against Mayor Guo, to prevent any influence on the continuing investigations of our and other agencies,” ani Abalos.
Ayon kay Abalos, patuloy ang kanilang kooperasyon sa Ombudsman at iba pang investigating body upang halukayin ang ilang mga mahahalagang impormasyon hinggil sa alkalde.
Kabilang sa sinisiyasat ay ang pagtakbo ni Guo bilang alkalde ng Bamban. Marami aniya ang nagsasabi na hindi kilala si Guo at ikinagulat ng marami ang pagtakbo at pagkapanalo nito noong 2022.
Una nang sinabi ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na iniimbestigahan na si Guo noon pa man.
Matatandaang sinalakay ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang POGO hub na Hongsheng Gaming Technology Inc., noong Pebrero 2023 sa Bamban na parehong compound na ginamit ng Zun Yuan Technology Inc., na ni-raid din ngayong buwan ng mga awtoridad.
- Latest