^

Punto Mo

Cancer patients, ingat kay Dr. Social Media!

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

DALAWANG buwan na ang nakararaan, nireport ng Agence France Presse na maraming Pilipinong may kanser sa Pilipinas ang nahuhumaling sa mga alternatibong gamutan na nakikita nila sa social media. Walang binabanggit na statistics sa ulat kung ilan o gaano karami ang mga cancer patient na Pilipino na tumatangkilik sa mga food supplement na iniaanunsiyo sa Facebook o YouTube bilang panlunas sa kanser at ilan na ang nabibiktima ng panlilinlang dito. Ipinahihiwatig lang na kadalasan na mali o peke ang mga impormasyon kaugnay sa mga sinasabing gamot sa kanser sa social media.

Inihalimbawa sa ulat ng AFP ang kaso ng 47-anyos na single mother na si Mary Ann Eduarte na kabilang sa mga nalinlang sa mga maling impormasyong pangmedikal sa social media.

Sa halip na magpa-chemotherapy, gumasta siya ng P50,000 kada buwan para sa food supplements na kinabibilangan ng mga inuming gawa sa tropical fruit at barley grass na iniaanunsiyo sa Facebook at YouTube na nakagagamot sa kanser. Pero hindi siya gumaling at kumalat ang kanser sa kanyang katawan nang pumayag siyang magpa-biopsy noong 2016. Inamin ni Eduarte na nagkamali siya sa pagpatol sa mga food supplement na iniaanunsyo sa social media.

Ayon sa pananaliksik ng AFP, ang kakulangan ng mga doktor, kahirapan sa pagpunta sa ospital, kakulangan ng kaalaman sa kalusugan, at pangamba sa gastusin sa pagpapagamot ang ilan sa mga dahilan kaya maraming tao na may malulubhang karamdaman tulad ng kanser ang bumabaling at pumapatol sa mga alternatibong gamutan na makikita sa social media

Sabi ni Dr. Madonna Realuyo, oncologist sa Bicol Regional Hospital and Medical Center, isang “seryosong problema” ang mga maling impormasyon sa social media hinggil sa mga gamot sa kanser. “Lima sa bawat 10 pasyenteng nakakaharap ko ang nagtatanong sa akin ­hinggil sa nakita o nabasa nila sa internet. Ninety percent na mali ang impormasyon. Sabihin ko man sa kanila ang impormasyon, hindi ito garantiya na makikinig  o maniniwala sila sa amin,” sabi ni Realuyo.

Lubha rin naman kasing magastos at napakamahal ng gamutan sa kanser na maaaring umabot sa milyong piso. Dahil dito, may cancer patient na madaling malinlang ng mga patalastas sa internet  o social media ng mga produktong hindi napapatunayan at sinasabing mas mura o mas matipid.

“Isa nang katotohanan na napakalaki ng magiging gastusan sa pagpapagamot kapag natuklasang meron kang kanser,” sabi ni Aileen Antolin ng Philippine Foundation for Breast Cancer.

Limitado naman ang kapangyarihan ng Food and Drug Administration para habulin ang mga kompanya o indibidwal na nagpapakalat ng maling impormasyon sa kanilang produkto sa internet, ayon sa ulat ng AFP. Magagawa lang nitong magbigay ng babala sa publiko sa pamamagitan ng website at social media pages ng FDA. Hindi nga lang malaman kung nakararating ang kanilang babala sa mga cancer patient at, kung nakararating man, nakukumbinsi ba sila?

Pero napakahalaga talaga ng pag-iingat, pagsasaliksik, mapagmatyag at mapanuri sa mga nababasa sa social media sapagkat kahit may mga impormasyong totoo, meron ding mga peke.

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

SOCIAL MEDIA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with