Belly dancer
ANG orihinal na belly dancers ay tinatawag na ghawazee. Sila ay grupo ng mga belly dancers na naglalakbay sa iba’t ibang lugar para mag-perform. Nagpatuloy ang kanilang pagsasayaw hanggang sa makarating sa Middle East at Europe noong 1830s.
Sa kagustuhang makapaglakbay sa iba’t ibang lugar, pinilit ng isang babae na mapabilang sa ghawazee. Bagama’t may katigasan ang katawan, napilitan ang organizer na isama ang babae sa grupo dahil ang isa nilang dancer ay nagkasakit nang malubha at kailangang may kapalit.
Sa isang performance nila sa maliit at liblib na bayan kung saan maraming naninirahan na walang pinag-aralan, siya nakatuwaang batuhin ng itlog ng mga nanonood dahil hindi sila nagagandahan sa pagsasayaw ng babae.
Dapat ang galaw ng belly dancer ay maindayog ang balakang kasama ang paggalaw ng itaas ng katawan. Bago pa lang siya sa grupo kaya siya lang ang may kakulangan. May rule sa grupo na ipagpapatuloy ang pagsasayaw kahit na anong pangangantiyaw maliban lang kung lalapitan sila ng audience at hahawakan sa katawan.
Bawat itlog na tumatama sa katawan ng babae ay nagdudulot ng sakit hindi lang sa kanyang katawan kundi sa kanyang kalooban. Kaya’t iyon ay naging hamon sa kanya upang igalaw nang may “landi” ang kanyang katawan.
Lalo niyang ginalingan ang paggiling ng balakang upang ang itlog na tumatama sa kanya ay maihagis ng kanyang balakang sa sahig at hindi mabasag sa kanyang katawan. Unti-unting nawala ang pangbo-boo ng manonood at pagbato ng itlog. Narinig na lang niyang nagpapalakpakan ang mga tao. Nagtagumpay siya sa kanyang trick.
Sa buhay ng tao, minsan ay nararanasan nating “batuhin ng itlog”—mga tsismis, intriga, pamimintas mula sa ibang tao. Sa halip na paapekto, ang trick lang diyan ay “ikembot lang nang buong landi ang balakang” para mahulog at mabasag ang itlog sa sahig at hindi sa ating katawan.
“If your heart is broken, make art with the pieces.” -- Shane Koyczan
- Latest