Lalaki sa Poland, 4 na oras ibinabad ang katawan sa yelo!
NAKAPAGTALA ng bagong world record ang isang 53-anyos na lalaki sa Poland matapos tumayo sa isang tangke na puno ng yelo!
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Lukasz Szpunar ang bagong world record holder ng titulong “Longest Duration Full Body Contact with Ice”. Ito ay matapos niyang maibabad ang buong katawan sa yelo sa loob ng apat na oras at dalawang minuto.
Para ma-achieve at kilalanin ng Guinness ang record attempt, kailangang nakababad ang buong katawan sa yelo maliban sa ulo at leeg. Kailangan din na swimming trunks lang ang suot ng hahamon sa world record.
Bukod dito, nagsuot si Lukasz ng mouth guard upang hindi masira ang kanyang mga ngipin mula sa pangangatog nito sa sobrang lamig.
Upang makasigurado na ligtas si Lukasz, may isang medical team na naka-monitor sa body temperature nito at nakatutok din ang mga ito kung may malay pa ba ito.
Ayon kay Lukasz, ang pinakamahirap na bahagi ng kanyang world record attempt ay ang unang oras na pagkababad sa yelo. Nakaramdam siya ng pagkabalisa pero kalaunan ay nasanay na siya sa lamig nito. Bumalik lamang ang pagkabalisa niya sa huling minuto sa yelo.
Hindi ito ang unang ice challenge ni Lukasz dahil naging runner-up na siya ng Polish Walrus Championships kung saan apat na oras siyang nakalubog sa near-freezing water.
Si Lukasz Szpunar habang nakababad sa yelo ng apat na oras.
- Latest