EDITORYAL - Ilantad ang pinag-usapan
BALAK na rin ng House of Representatives na magsagawa ng imbestigasyon sa “secret deal” nina dating President Rodrigo Duterte at ni Chinese President Xi Jinping. Ipatatawag daw ng House ang dating Presidente at pagpapaliwanagin sa pinasok na kasunduan sa China.
Sabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, ipaprayoridad ng Kamara ang imbestigasyon sa “secret deal” ni Duterte at Xi. Inamin umano ng dating Presidente na may naganap na kasunduan kaya dapat itong unahing maimbestigahan. Dapat daw managot ang responsible sa pagpasok sa kasunduan. Baka raw naibenta na ni Duterte ang WPS ay hindi pa nalalaman ng mamamayan.
Noong nakaraang linggo, sa isang press conference, inamin mismo ni Duterte na pumayag siya sa kasunduan na hindi magpapadala ng mga gamit upang makumpuni ang BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal. Pero kanyang sinabi na hindi niya hinayaang angkinin ang teritoryo.
Una nang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na dapat magsagawa nang malalimang pagsisiyasat ang Senado sa pinasok na “gentleman’s agreement” sa China. Dapat imbitahan si Duterte para magbigay-linaw. Ayon pa kay Hontiveros, maituturing itong pagtataksil dahil sa pagsusuko ng soberanya sa karapatan sa WPS.
Bago ang mainit na pagpasok ng Senado at Kamara sa isyu ng gentleman’s agreement, hinikayat na ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Duterte na ipaliwanag sa mamamayan ang “secret deal” na pinasok ng kanyang administrasyon sa China. Ayon kay Marcos, dapat silang papanagutin sa ginawang desisyon. Isa sa pinagtataka ni Marcos ay kung bakit walang nakasulat o mga nakadokumento sa sinabing “gentleman’s agreement”. Wala raw papel o video gayung isa pa namang abogado ang dating Presidente. Malaki umano ang paniwala ni Marcos na talagang isinekreto ang kasunduan.
Ang pagharap ng dating Presidente sa Kamara at Senado ay mahalaga para mailahad ang pinag-usapan at pinagkasunduan nila ng lider ng China. Magpaliwanag siya sa mamamayan sa totoong nangyari. Kung hindi siya magsasalita, mahuhusgahan siyang “nagtaksil sa Inambayan”.
- Latest