Lalaki na kayang magbalanse ng lawnmower sa kanyang baba, nakatanggap ng Guinness record!

ISANG lalaki sa Idaho ang nakapagtala ng bagong world record matapos niyang ipatong at balansehin sa kanyang baba (chin) ang isang umaandar na lawnmower!

Kinumpirma kamakailan ng records keeping organization na Guinness World Records na si David Rush ang kasaluku­yang world record holder ng titulong “Longest Lawnmower Chin Balance”.

Ito ay matapos niyang mabalanse sa kanyang baba ang isang umaandar na lawn­mower sa loob ng 9 na minuto at 17 segundo.

Natalo niya ang previous record nito na 7 minuto and 2 segundo ni Ashrita Furman.

Nagawa na dati ni Rush ang world record na ito noong 2020 ngunit na-disqualify ang kanyang record attempt dahil hindi niya ikinabit ang bag na tagasalo ng damo sa lawnmower.

Si Rush ay isang serial record breaker at sinusubukan niyang makuha ang titulong “Holder of the Most Concurrent Guinness World Records” ngayong 2024.

Sa kasalukuyan, may 165 Guinness title si Rush ngunit kailangan niyang matalo si Silvio Saba na may 180 Guinness titles.

Show comments