^

Punto Mo

‘Kalesa’

HINDI MALILIMUTANG KARANASAN - Ronnie M. Halos - Pang-masa

KUTSERO ang aking tatay noong dekada 60. Tuwing Linggo ay namamasada siya ng kalesa. Ang Linggo ang araw na namimili sa palengke sa bayan ang mga tao kaya maraming nakukuhang pasahero si Tatay. Ako ang lagi niyang isinasama sa pangangalesa. Mga siyam na taong gulang ako noon. Tuwang-tuwa ako kapag nakasakay na sa kalesa. Mabilis tumakbo ang aming kabayo na humihila sa kalesa. Malaki ang kinikita ni Tatay sa pangangalesa kung Linggo. Mura pa ang bilihin ng mga panahong iyon kaya kapag kumita si Tatay ng limang piso, marami na siyang nabibili para sa aming pangangailangan sa loob ng isang linggo.

Kapag nakagawa ng dalawang biyahe si Tatay ay titigil na siya. Malaki na ang kinita niya. Sa susunod na Linggo na uli ang ­pangagalesa namin. Mula Lunes hanggang Sabado ay sa bukid naman nagtatrabaho si Tatay. Bukod dun, nag-aalaga rin ng manok, baboy, baka at kabayo si Tatay.

Apat ang kabayo ni Tatay. Isa ang inahin at tatlo ang lalaki na ginagamit sa pangangalesa. Si Tatay na rin ang nagturo sa kabayo para gamitin sa kalesa. Eksperto si Tatay sa pagtuturo sa kabayo para sa kalesa.

Sa tatlong lalaking kabayo na ginagamit niya sa pangangalesa, isa roon ang magugulatin. Ganunman, ito ang pinakamabilis at pinakama­lakas sa mga kabayo niya.

Isang araw ng linggo, isinama uli ako ni Tatay sa pangangalesa. Ang ginamit naming kabayo ay ang magugulatin. Marami kaming nakuhang pasahero patungong bayan at ganundin pabalik.

Nang makagawa kami ng dalawang biyahe o pasada, ipinasya ni Tatay na tumigil na dahil may kinita na. Namili kami ng aming gamit para sa isang linggo: asukal, asin, isda, sardinas, gatas, tinapay, tuyong isda at iba.

Pauwi na kami sa bukid nang mapadaan kami sa pansiterya. “Bibili lang ako ng pansit na bilin ni Nanay mo. Dito ka lang. Huwag kang bababa,’’ sabi ni Tatay sa akin. Tumango ako. Bumaba na si Tatay at nagtungo sa karinderya.

Wala akong kamalay-malay na may mga malilikot na bata nagpapapu­tok ng rebentado. Noon ay malapit ang Bagong Taon.

Biglang inihagis ng mga bata ang rebentador sa ilalim ng kalesa. Pumutok. Sa sobrang gulat ng kabayo, nagdadamba at nagtatakbo ito. Humawak ako nang mahigpit sa hawakan ng kalesa. Takot na takot ako habang walang habas na tumatakbo ang kabayo na tila walang balak tumigil. Umiyak ako nang todo. Mabuti na lamang at isang lalaki ang matapang na sumalubong at nahagip ang renda ng kabayo at napigil ito sa pagtakbo. Saka lamang ako tumigil sa pag-iyak. Hanggang sa dumating si Tatay at sinabi ko ang nangyari. Sabi ni Tatay, mabuti at walang sasakyan na nakasalubong habang tumatakbo ang kabayo. Sinisi ni Tatay ang sarili kung bakit iniwan ako sa kalesa.

vuukle comment

TRANSPORTATION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with