^

Punto Mo

Babala sa maruming halo-halo sapat na ba?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Kamakailan, nagbabala si Health Secretary Ted Herbosa sa publiko na mag-ingat sa pagkain ng halo-halo. Ginawa ni Herbosa ang paalala dahil sa napaulat na 10 tao ang naospital sa Kidapawan City dahil sa pananakit ng tiyan at pagsusuka makaraang kumain ng halo-halo.

Tinukoy ng Health Secretary ang mga sangkap na maa­aring makasira sa halo-halo tulad ng yelo, gatas, prutas, asukal at iba pa kung hindi muna matitiyak na malinis ito at walang kontaminasyon para ligtas kainin.

Madalas naman, tuwing tag-init, pinag-iingat ng pamahalaan lalo na ng DOH ang publiko sa mga kinakain at iniinom nila para maiwasang magkasakit.

Kaso, paano malalaman ng publiko na malinis ang halo-halo, na hindi panis ang gatas na ginamit, sapat ang taglay na asukal para walang mamuong bacteria at hindi bulok ang mga isinasangkap tulad ng ube, langka, gulaman o sago, beans at iba pa? Saan galing ang ginamit na yelo? Purified ba o galing sa gripo o pabrika ang tubig na pinagmulan ng yelo?

Kailangan pa sigurong tanungin o usisain ang nagtitinda pero sana nga merong kustomer na magpapakaabalang gawin ito o obligahin ang nagtitinda na ipaliwanag ang proseso ng paghahanda niya sa halo-halo.  Pero wala naman sigurong manininda ng halo-halo na sisiraan ang kanilang sariling negosyo.

Bukod dito, ang mga nabibiling halo-halo ay hindi tulad ng ibang mga produktong pagkain na merong label na kakikitaan ng mga sangkap na ginamit at expiration date. Walang ideya ang kustomer sa ginawang proseso sa paghahanda sa kakainin niyang halo-halo.

Bukod sa masarap na pampalamig ang halo-halo, isa rin itong magandang negosyo. Maging ang mga kilala at malalaking restoran at fastfood outlet at mga foodcourt sa mga shopping mall ay nag-aalok ng sari-sariling klase ng masasarap na halo-halo. Karaniwan din itong tinda sa mga karinderya, ordinaryong palengke, talipapa at ibang maliliit na kainan at maging sa mga bangketa,  sa harap o labas o gilid ng ilang mga kabahayan sa looban ng mga barangay, mga canteen sa mga eskuwelahan, opisina at ba pa.

Pero, sana rin, ang senaryo sa mga kainan sa Pilipinas ay tulad ng sa ibang bansa tulad ng mga nasa Middle East. Halimbawa, sa Qatar, Bahrain at Saudi Arabia, mahigpit at madalas inspeksyunin ng kanilang mga pamahalaan ang mga restawran at ibang mga kainan sa kani-kanilang nasasaklaw na lugar para matiyak na malinis ang mga itinitinda nitong pagkain.

Agad na isinasara ang mga kainan at ikinukulong o pinagmumulta ang mga may-ari na matutuklasang lumalabag sa mga kinauukulang batas, patakaran at regulasyon. Madalas ang pagmomonitor nila sa mga nagnenegosyo ng pagkain. Bukod pa ito sa mga madalas na babala sa publiko kapag merong problema sa ilang mga kainan o produktong pagkain.

Kaya naman ang kanilang mga mamamayan ay kampante sa pagpasok nila sa kahit saang restawran o ibang mga kainan dahil makakatiyak sila na malinis ang kanilang kakainin dito at hindi sila magkakasakit.

Ganito rin sana sa Pilipinas. ‘Yung hindi mababagabag o mag-aalala tuwing bibili at kakain lang ng halo-halo sa labas!

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

HALO-HALO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with