EDITORYAL - Mga ‘di rehistradong sasakyan, dakmain
AYON sa Land Transportation Office (LTO) 24.7 milyong sasakyan na yumayaot sa kalsada ay hindi rehistrado. Napakadelikado ng mga sasakyang ito. Sino ang hahabulin kapag nakaaksidente? Sino ang pananagutin lalo kung may namatay? Paano makikilala ang sasakyang sangkot sa aksidente gayung wala itong papeles? Bukod sa hindi rehistrado, marami ring sasakyan ang walang plaka.
Sinabi ng LTO na kaya raw dumami ang mga hindi nakarehistrong sasakyan ay dahil sa epekto ng pandemya. Nagkaroon nang paghihigpit sa mga tanggapan ng LTO sa buong bansa kaya naapektuhan ang pagre-renew ng registration. Pero ginagawa na umano ng LTO ang lahat para malutas ang problema. Nagpatupad na rin sila “No Registration, No Travel” policy.
Ayon sa LTO, nasa 4,864 na mga hindi rehistradong sasakyan ang nahuli sa isang buwang pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy. Pinakamarami ang nahuli sa Region II, 657; Region VIII, 600; Region IV-B, 514; Region IX, 386; Region XI, 251; Region XII, 251 at National Capital Region (NCR), 251.
Ayon kay LTO chief Asec. Vigor Mendoza II, magsasagawa sila nang maigting at agresibong operasyon sa pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy ngayong 2024 para mahuli ang mga sasakyang hindi rehistrado. Hindi umano titigil ang LTO hangga’t hindi nairerehistro ang 24.7 milyong motor vehicles. Nanawagan din si Mendoza sa mga may-ari ng sasakyan na boluntaryo na itong irehistro para hindi maharap sa kaso.
Paigtingin ng LTO ang kanilang kampanya sa mga ‘di rehistradong sasakyan. Malaking problema kapag nagpatuloy sa pagyaot sa kalsada ang mga sasakyan at masangkot sa aksidente. Malaking perwisyo ang kahahantungan kapag hindi narehistro ang milyong sasakyan. Ngayong sunud-sunod ang mga nagaganap na aksidente, posibleng ang masangkot ay mga delinkuwente.
Pagtuunan din naman ng pansin ng LTO ang mga naglipanang e-bike sa major roads na posibleng pagmulan nang malalagim na aksidente. Ipagbawal ang mga ito sa national road.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng LTO na meron na silang inihandang memorandum na nagbabawal sa e-bike sa mga pangunahing kalsada. Bakit hanggang ngayon, naglipana pa ang e-bike? Kumilos din sana ang LGUs para mawalis sa kalsada ang e-bike kagaya ng ginawa sa isang bayan sa Rizal province.
- Latest