Kampo Maisug, kinakabahan?

KABALIKTARAN ng katagang­ “maisug” o matapang ang ibinabandera ng mga alagad ni dating Pres. Digong Duterte sa ilalim ng administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos. Ang totoo ay kabado na sila para kay Sara sa 2028. Cha-cha lang ang idinadahilan na tinangka rin naman ni Digong noon. ‘Di ba?

Magandang ‘di hamak ang mga plataporma ni Bongbong na naka­sentro sa pang-ekonomiya at pangkabuhayan. Samantalang ang kay Digong ay kontra korapsyon at war on drugs na marami nga ang namatay pero hindi naman naapula. PNP at AFP lang naragdagan ng benepisyo. Araguuuy!

Walang local officials ng Davao at Cebu ang tumuligsa sa administrasyon ni BBM maliban kay Davao Mayor Baste Duterte sa dalawang prayer rallies ng Kampo Maisug. Ang trio nina Glenn Chong, Harry Roque at Vic Rodriguez lang ang pumapapel. Dahil ba hindi sila isinali sa harvest day? Nakupooo!

Nakapanginig marahil ng tuhod ng political strategists ng Kampo Maisug ang nakikita nitong pagtanggap ng mga miyembro ng Liberal Party sa plataporma ni BBM na mahigpit na kaaway noon ng mga Marcos. Tandaan lang na dati ring LP leader si Apo Ferdie. Naku, nagkakalintikan na nga!

Giyera ng mga Social Media Vloggers ang bumubulaga sa ma­mamayan na ang karamihan ay may disenyong paninira. Mind Conditioning Program lamang daw ito ng kani-kanilang political strategists. Hindi na po inosente sa pakikipaglaro sa pulitika ang mga Pinoy. Mauubusan kayo ngayooon!

Show comments