EDITORYAL - Lubos na hustisya kay Ranara, igiit
NARARAPAT lamang na huwag munang magpadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait hangga’t hindi lubusang nakakamit ang hustisya kay Jullebee Ranara. Ito ang naging pasya ng Department of Migrant Workers (DMW) sa kabila na nahatulan na ng 15 taon na pagkakulong ang killer ni Ranara. Sabi ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac, kahit nahatulan na ang killer, mananatiling suspendido ang deployment ng OFWs sapagkat maghahain pa ng civil action ang Pilipinas laban sa mga magulang ng killer. Kapag natapos na ang usapin na ito saka lamang masasabi na nakamit na ni Ranara ang hustisya.
Tama ang DMW. Nararapat na makamit ang buong hustisya para kay Ranara. Kung hindi magmamatigas, maaaring maulit ang nangyari at baka mas marami pang OFWs sa Kuwait ang mapahamak.
Karumal-dumal ang nangyari kay Ranara noong Enero 28, 2023. Ginahasa siya at nabuntis ni Turki Ayed Al-Azmi, 17. Pagkatapos, pinatay siya, sinunog ang bangkay at inilibing sa disyerto. Naaresto naman agad ang tinedyer at ikinulong.
Ang pagpatay kay Jullebee ang naging dahilan kaya ipinatigil ang deployment ng household workers sa Kuwait.
Makalipas ang siyam na buwan makaraang patayin si Jullebee, lumabas na ang desisyon ng Kuwait court na makukulong ng 15 taon ang rapist-killer. Masasabing mabilis ang paglilitis sa akusado subalit hindi makatarungan ang hatol. Masyadong magaan ang parusa.
Nagimbal ang mga kaanak ni Jullebee nang makaabot sa kanila ang balita na 15 taon lamang ang hatol sa rapist-killer. Ayon sa pamilya ni Jullebee, habambuhay na pagkakabilanggo ang inaasahan nilang igagawad. Wala ring kabayaran para sa moral damages ng biktima.
Hindi lamang si Ranara ang karumal-dumal na pinatay sa Kuwait. Noong 2017 pinatay din si Joanna Demafelis at inilagay ang bangkay sa freezer. Noong 2018, pinatay si Constancia Dayag at noong 2019, pinatay si Jeanelyn Villavende. Ilan sa kanila ay hindi pa nakakamit ang hustisya.
Hindi naman dapat magbago ang pasya ng DMW na huwag magpadala ng OFWs sa Kuwait hangga’t hindi nakakakamit ni Ranara ang hustisya. Ipaglaban ito. Huwag yuyuko sa Kuwait. Marami pa namang bansa na maaring puntahan ng OFWs.
- Latest