EDITORYAL - Kung walang kasalanan bakit matatakot?
Sa OCTA Research na ginawa noong Disyembre 2023, 55 percent ng mga Pilipino ang sumasang-ayon na dapat bumalik bilang miyembro ng International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas. Ayon sa respondents, dapat lumahok ang Pilipinas sa ICC upang maisagawa ang imbestigasyon sa drug war ni dating President Rodrigo Duterte. Karamihan sa mga nais na muling sumali sa ICC ang Pilipinas ay nagmula sa Balance Luzon na may 65 percent; Metro Manila, 50 percent; at Mindanao, 42 percent.
Pabor din ang karamihan sa mga Pilipino na magsagawa ng imbestigasyon ang ICC sa isinagawang drug campaign ng Duterte administration. Maraming nagsabi na dapat papasukin na sa bansa ang ICC para maisakatuparan ang imbestigasyon.
Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019 sa kabila na isa ang bansa sa mga lumagda sa pagtatatag nito. Ang pagkalas ng Pilipinas ay nangyari habang mainit ang kampanya laban sa illegal drugs.
Sa war on drugs ng Duterte administration na nagsimula noong 2016, umabot sa 6,252 ang namatay. Ang masaklap, ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges. Kabilang sa mga napatay ng pulis sa isinagawang drug operation ay mga inosenteng kabataan. Kabilang dito sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Si Kian ay sapilitang inaresto ng mga pulis sa Caloocan City at saka walang awang binaril habang nakaluhod at nagmamakaawa. Si Arnaiz ay tinaniman ng droga saka pinatay. Si Kulot ay sinunog at natagpuan ang bangkay sa Nueva Ecija.
Nagbanta naman si Duterte na magkakabarilan kapag inaresto siya ng mga miyembro ng ICC. Hindi umano siya susuko. Kabilang din sa mga iimbestigahan ng ICC sa war on drugs ay si Sen. Bato dela Rosa, na nag-implement ng “Oplan Tokhang”. Sinabi ni Dela Rosa na walang karapatang mag-imbestiga ang ICC sapagkat gumagana ang batas sa bansa.
Naninindigan naman si President Ferdinand Marcos Jr. na hindi papapasukin sa bansa ang mga miyembro ng ICC. Noong nakaraang Disyembre 2023, kumalat ang balitang nakapasok na ang ICC sa bansa at nakapag-imbestiga na.
Ano ba ang ikatatakot sa ICC? Kung wala namang ginawang labag sa batas, bakit tutol mag-imbestiga ang ICC. Hayaan sila para malaman ang katotohanan. Mas mainam na bumalik sa pagiging miyembro ng ICC ang Pilipinas.
Kung walang kasalanan, bakit matatakot na maimbestigahan. Ang mga nakagawa lamang ng kasalanan ang may karapatang matakot. Kung malinis ang konsensiya, walang dapat ipag-alala. Bali-baliktarin man ang lahat, lalabas pa rin ang buong katotohanan kung walang ginagawang masama.
- Latest