‘Dasurv’
ANG babae ay tahimik na naglalakad sa kalye. Galing siya sa banko at pauwi na siya sa kanilang bahay. May humintong kotse sa kanyang tapat at may itinanong. Pagkatapos siyang tapikin sa braso ng isang nasa loob ng kotse, para siyang natulala. Hindi na niya alam ang sumunod na nangyari.
Namalayan na lang niyang bumababa siya sa kotse. Nang makababa ay biglang humarurot ang kotseng sinakyan niya. Saka siya natauhan. Para bang bumalik ang kanyang katinuan. Bigla niyang naalaala ang kanyang wallet. Naroon ang perang kawi-withdraw lang niya. Nawawala. Maliwanag na kinuha ng mga taong nagsakay sa kanya sa kotse. Lintik! Nabudol-budol siya!
Umuwing humahagulgol ang babae. Last money na niya iyon sa banko. Pang-tuition ng kanyang anak sa kolehiyo. Upang mabawasan ang sama ng loob, tinawagan ng babae ang kanyang best friend.
Pagkatapos ikuwento ng babae ang karanasan, saka ito nagwika ng: “Bakit kaya nangyari sa akin ito? Palasimba naman ako. Lagi akong nagbibigay ng donasyon sa mga biktima ng bagyo. Nagboboluntaryo pa nga ako na maging repacker ng relief goods.”
Napabuntung-hininga ang best friend. “Friend, huwag kang magagalit. Ire-real talk lang kita, ha? Siguro nangyari iyan sa iyo para madama mo kung gaano kasakit na mawalan ng perang pinaghirapan. Sa tuwing tinatakasan mo ang iyong mga inutangan, para mo na rin inagaw sa kanilang kamay ang perang pinaghirapan nila.
*Dasurv (from English word, deserve): expression na ginagamit ng netizens sa mga bad people na nakaranas ng bad karma na ang ibig sabihin ay “marapat lang na nangyari ‘yan sa iyo”. Kahalintulad din ng salitang “dasurv” ang phrase ng pang-aasar na “beh buti nga sa iyo”.
- Latest